Paglinang sa industriya ng Kakaw
- chocobutiog
- May 26, 2022
- 5 min read
Hindi maikakaila ang malaking ambag ng cacao sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas pinaka popular na ang pagtatanim ng cacao at paggawa ng tableya na karaniwang sangkap sa paggawa ng mainit na inumin na tsokolate, sikwate at tsamporado. Ang tablea o tableya ay isa sa mga produkto na nagmumula sa purong butil ng kakaw na pinatuyo, isinangag at giniling o ginawang pulbos pagkatapos ay hinulma para maging hugis na katulad ng bloke, bilog na parang bola o kaya ay parang tableta. Ang hugis na bilog ang pinakatanyag na hugis ng tableya. Ang "tableya" ay isang salitang Kastila na nangangahulugan na tableta.

Ilang dekada na ang nakakaraan, isa sa di malilimutang ala-ala ng kabataan ni Liezyl Butiog (entrepreneur at co-founder ng ChocoButiog Food Products) ang madalas na pag-inom ng tableya na inihahanda ng kanyang yumaong
lola Teodora D. Llanza. Isang simple at payak na pamumuhay ang kinagisnan niya subalit mayroong mayamang kapaligiran dahil punong ang lupain ng kanyang lolo at lola ng maraming klase ng puno at madalas na hitik sa bunga ang mga ito lalo na ang puno ng kakaw na nagsisilbing pangkaraniwang prutas na kinakain kasama ang iba pa niyang mga pinsan, lingid sa kaalaman ng mga bata ang kahalagahan ng buto ng kakaw noon. Nang makapag-asawa nanirahan na ang kanilang pamilya sa Nagcarlan, Laguna kung saan ang kanyang ama naman naman na si Cosme Llanza ay patuloy nagdadala ng mga pinatuyong buto ng kakaw at nagbigay ng ideya upang ito ay gawing tableya subalit ilang taon din na nawalan ng halaga ang mga buto na iyon sa kadahilang hindi nila alam kung paano ito gagawin.
Taong 2016 ang Department of Agriculture, Municipality of Nagcarlan ay namahagi ng mga libreng pananim na kakaw sa Brgy. Abo at ito ay namunga na rin makalipas ang 2 taon. Maraming kampanya ang gobyerno sa pagtatanim at pagpoproseso ng iba’t-ibang produkto mula sa kakaw at hindi rin naging lingid sa kanyang asawa na si Jake Butiog ang napakataas ng demand ng tsokolate sa buong mundo at isa rin sa naging inspirasyon nila ang unti-unting pagkilala sa Pilipinas bilang producer ng magandang kalidad ng tsokolate particular na sa probinsya ng Davao.
Tunay na napakalawak ng oportunidad kung kaya’t sinimulan ng mag-asawang Jake at Liezyl Butiog ang malalimang pagsasaliksik sa cacao, taong 2018 at sinimulan ang pagproseso sa mga dried beans na naiipon mula sa kanyang ama at punong namumunga na at kung paano mapakikinabangan ang tamang pagpoproseso upang makalikha ng tableya at iba pang produkto galing dito. Itinala ang mga datos ng tamang pangangalaga sa puno ng cacao, tamang pag-aani hanggang sa ito ay gawing tableya. Maraming kaugalian at pamamaraan ang kanilang natutunan sa pamamagitang ng “Online Research”, pagdalo sa mga seminars at panood ng mga tunay salaysay ng mga magsasaka (farmers) sa ibang bansa. Matagal din ang ginugol ng mag-asawa sa pagtatatrabaho sa supermarket (food business) noong sila ay nag-uumpisa pa lang sa buhay bilang mag-asawa, kung kaya’t malinaw sa kanilang kaisipan ang kahalagahan ng produktong de-kalidad, dahil dito buong sikap at talino nilang binuo ang kanilang sariling Standard Operating Procedures sa paggawa ng kanilang Tableya.
Kamangha-mangha din ang yamang pangkalusugan ng kakaw at hindi matatawaran ang biyaya ng kalikasan tungkol sa kapakinabangan ng punong ito at maging sa mga produktong nagmula dito kung kaya’t sa kadahilanang ang kanilang mga magulang ay pawang mga diabetic at ang mga anak naman ay asthmatic naging pang-araw-araw nilang inumim ang tableya at isa rin sa pinagmamalaking inuming inihahain sa tuwing may darating na bisita sa kanilang tahanan.
Ang ChocoButiog Food Products… naitatag taong 2019 ng mag-asawang Jake & Liezyl Butiog ng Brgy. Abo, Nagcarlan, Laguna at pormal na ipinatala sa Department of Trade and Industry at nabigyan na rin ng sariling Business Permit. Dahil sa magandang pagtanggap ng mga mamimili sa purong Tableya tumaas agad ng 50% ang market demand makalipas ang ka-isang taong pa lamang ngunit naging mahirap ang paghahanap ng supply kaya sa pamamagitan ng samahan ng BAVGA o Barangay Abo Vegetable Growers Association sa kanilang tulong ay nalapitan pa nila ang mga kalapit-bahay at kalapit barangay upang madagdagan pa ang supply ng kanilang wetbeans at kinagulat nila na marami
na rin pala ang mga farmers dito sa Nagcarlan ang nakatanggap ng libreng pananim na kakaw mula sa DA at kasalukuyang namumunga na, lumapit din sila
munisipalidad ng Nagcarlan sa pamunuan ng Department of Agriculture, sa pamamagitan ni Gng. Maricel L. Gamara at sa pamumuno ni G. Alvin C. Ardeza kung saan nakatanggap sila ng mga pang-agrikulturang suporta tulad ng karagdagang pananim na kakaw (cacao seedlings), mga gamot na pataba, gamot kontra peste at iba pang kagamitang makakatulong sa wastong pangangalaga ng tanim at pag-aani.
Sa pakikiisa ng ChocoButiog Food Products na muling linangin ang idustriya ng kakaw sa bansa, bagaman marami pang magsasaka ang hindi pa kumbinsido sa pagtatanim nito dahil sa hindi sapat na kaalaman sa mataas na kalidad at mataas na pangangailangan (demand) ng bunga nito na siyang ginagawang Tsokolate sa buong mundo, subalit sa pakikipagtulungan at malakas na kampanya ng DA, unti-unti nang namumulat ang mga magsasaka sa idea ng kakaw at marami na rin ang nagnanais na subukan ang pagtatanim muli nito sa kanilang mga bakuran at lupain, naging bukas din sila sa idea ng inter-cropping.
Sa nakalipas na dalawang taon, maraming pagsubok ang kinaharap ng negosyo ng ChocoButiog Tableya lalo na sa pagsapit ng panahon na pandemiya subalit pinaniwalaan nila ang kasabihang “Hindi mo matatamo ang kahulugan ng tagumpay kung hindi mo mararanasan ang mga pagsubok sa buhay”. Nakapagbukas sila ng sariling online ecommerce store sa https://shopee.ph/lbutiog at facebook page https://www.facebook.com/ChocoButiog marami na din ang naging “resellers” “distributors” mula sa iba’t-bang bahagi ng Pilipinas at nakarating na rin sa labas bansa tulad ng United States of America, Europa at mga kalapit bansa sa Asia dahil sa ginagawa itong pasalubong pabalik sa ibang bansa ng ating mga kakabayan.
Kinikilala ang ChocoButiog Food Products bilang isa sa nangungunang brand/producer o manufacturer ng Tableya sa Nagcarlan, at isa rin sa nangungunang mamimili ng kakaw wetbeans na nagmula sa ani ng mga maliliit na magsasaka mula sa ibat-ibang barangay dito sa bayan ng Nagcarlan.Malaki ang naging bahagi ng pakikiisa ng mga magsasaka sa ikaka-angat ng ChocoButiog tableya dahil sila ang pangunahing pinag-mumulan ng raw materials. Bagaman hindi ganoon karami ang ani ng bawat isa, nagiging sapat na rin ito upang tugunan ang market demand dahil sa pagtutulungan at pagsasama-sama ng ani.
Patuloy ang kanilang pagsasaliksik upang patuloy na mai-angat ang negosyo ng pag-ka-kakaw. Sa ngayon mayroon nang mga pang-malagiang kliyente ang ChocoButiog Food Products, hindi inaasahan ang mabilis na pag-unlad at pagtangkilik ng produktong tableya kaya nailabas na rin nila sa merkado ang palaman sa tinapay na Chocolate Spread o tinaguriang “Pinoy nutella” bilang value added products. Mahigit dalawang daang porsyento o 200% ang itinaas ng produksyon at sales ng ChocoButiog kumpara noong pagkalabas pa lang nito sa merkado. Noon ay nasa 10 hanggang 20 kilo lamang ang aning nabibili at nasa 3,000 to 5,000 lamang ang kita nila ngunit dahil sa paglapit at suporta ng mga magsasaka ay natugunan ang mataas na demand at sa datos sa kasalukuyan ay maroon na silang 200-300 kilos regular supply ng wet beans na nabibili sa mga magsasaka ng nagcarlan at kumikita ang negosyo ng 30,000 to 40,000 sa isang buwan. “Masaya kami dahil noon wala namang namimili ng kakaw na iyan, pinaglalaruan lang at sinasayang ng mga bata ang bunga, ngayon pinag-kakaperahan na namin.” - cacao farmer. Nakaging din ito upang makapagbigay sila ng dagdag pangkabuhayan sa mga ka-nayon na tumutulong sa paggagawa at pagbebenta ng produktong galing sa kakaw partikular na na ang ChocoButiog Tableya.
Sa paglalayon na mas palinang ang industriya ng kakaw sa nagcarlan, nakapagbahagi na rin ng libreng pananim ang ChocoButiog sa mga kalapit nayon, nagbibigay din sila ng libreng impormasyon, at mga tulong pamamaraan kung paano mapangalagaan ang mga puno ng kakaw at libreng pagsasanay sa proseso ng pag-gawa ng tableya. Umaasa ang ChocoButiog Food Products sampu ng mga maliliit ng magsasaka/magtatanim ng cacao sa Nagcarlan ng patuloy na pagbuhos ng suporta mula sa gobyerno at mga ahensya nito. Magsisilbing inspirasyon ito sa mga cacao producers at farmers na patuloy na magsikap upang mapalago ang industriya na ito na hindi lamang nagbibigay ng karangalan sa bayan ng Nagcarlan, o sa lalawigan Laguna, maging sa buong bansa.

Comments